.

Thursday, October 8, 2009

"piping tom"

Ini-squeak noong 6:15 PM ni bubuwit |


bilang writer, isa sa maraming perks na ini-enjoy ko ay ang mag-trabaho nang nasa bahay lang. ang ibang pribilehiyo, kagaya ng hindi pag-gising nang napakaaga para 'wag abutan ng trapik, ang pag-coffee break nang lampas 15 minuto, ang panonood ng TV para piliting may mapigang ideya sa utak, at ang pag-trabaho nang hindi kinakailangang mag-make-up (safety tip: 'wag ugaliing mag-apply ng eyeliner sa loob ng tumatakbong sasakyan. nakabubulag.) at pilit na ipagsiksikan ang sarili sa pantyhose (swerte ka kung makalampas ka ng 8 o'clock na byahe sa MRT tuwing umaga nang hindi ito nagra-run), ay nakakabit lahat sa benepisyo na hindi nire-require umalis ng bahay para kumita--kaya, ay, oo nga, iisa lang pala ang perk ko sa trabaho.

dahil tapos na ang mahabang intro na wala namang kinalaman sa pinupunto ng blog ko, dederecho na ako sa pag-kwento...may ginagawang apartment sa kalye namin. hindi naman sa tapat ng bahay namin, pero dahil upper-middle class ako (beh! 'di nga!), mataas ang balkonahe namin at tanaw na tanaw ang ginagawang apartment mula rito. dahil mas mayaman ang may-ari ng apartment, mas mataas pa ito kesa sa bahay namin, kaya dinig na dinig ang bawat tunog mula doon.

tuwing hapon (pati umaga kapag weekend), nakagawian na naming magkakapatid ang mag-kape at mag-merienda doon sa balkonahe ng bahay. siempre, the usual... usap-usap, plano-plano, laitan-pikunan... pero laging may nakaka-distract na--HEEEH! EH-EH-EH! A?! minsan, hindi na nakatiis ang ate ko. iritable niyang sinabi, "hu! ano ba 'yan? ang ingay-ingay naman nung pipi!" (2-second interval) 1, one thousand, 2... waahahaha! hagalpakan kami ng tawa.

pipi. maingay.

pipi kasi yung isang karpintero, pero siya na yata ang pinakamaingay na karpinterong narinig--pipi man o bulag. pero teka muna, ang sabi ng intelektwal kong nakababatang kapatid (yung inutangan ko at pinaghatid pa ng pera nung na-max out ang credit card ko at na-hold ako sa megamall), "ang pipi naman hindi lang makapagsalita. hindi ibig sabihin na wala siyang boses at kapasidad para gumawa ng tunog." oo nga naman. amen.

parang sa parehong paraan na ang katahimikan ay hindi nangangahulugang may kapayapaan. sa diksyunaryo, ang ibig sabihin ng "katahimikan" ay "kawalang-kibo" at kawalang-ingay," samantalang ang "kapayapaan" naman ay "kapanatagan," "kahinahunan," at "katiwasayan." kung halimbawang galit na galit ka at sinabihan kang, "huminahon ka," iba ang magiging dating noon kesa sa sabihan kang, "tumahimik ka." kung kagaya kita, malamang kakalma ka dun sa una at magwawala ka naman dun sa huli. (at kung ako at ikaw ay iisang tao lang, sasampalin mo ang nagsabi nun sa 'yo sabay bob-and-weave.) magkaiba ang kahulugan nila, ngunit dahil likas na assuming ang tao, madalas inaakala nating nagkasingkahulugan ang katahimikan at kapayapaan.

kapag nagtampo ka at nagsabing hindi mo na kakausapin kahit kelan (ever, as in, swear, pramis!) ang isang dating kaibigan na naka-offend sa 'yo--malamang dahil huli ka niyang binalitaan ng kung-anuman-yon o masyado niyang ibinalita--magiging tahimik ka. walang ingay. pero, wala ring totoong panatag o matiwasay. lumiliit ang mundo mo. nawawalan ng space. dumadami ang limits. parang isang piping may sound effects pero walang konek.
| edit post
0 Response to '"piping tom"'
Related Posts with Thumbnails