.

Wednesday, September 30, 2009

ang philosopher na nagngangalang robin padilla

Ini-squeak noong 7:56 AM ni bubuwit |


dahil siguro sa nagngangalit na panahon kaya ko naisip na matagal-tagal na rin buhat noong huli akong naging masaya. 'yung masayang-masaya na tipong kahit makasalubong ko pa ang mga dati kong nakatampuhan--nang magkakasama--ay mayayakap ko sila isa-isa at sasabihang "ikaw at ako, tayong dalawa... maging sino ka man." o di kaya'y dahil siguro sa sobrang pagkakape kaya ko naitanong sa sarili kung totoo bang may kakayahan akong magsulat. parang isang sabog na manuscript na walang katema-tema ang laman ng isip ko. naghabulan na parang mga bubuwit sa lungga ng utak ko ang mga papuri mula sa mga taong kakilala, kilala, at di kilala; ang alaala ng mga napanalunang literary competitions (at higit sa lahat ang cash prize); ang unang beses na nabasa ko ang sariling pangalan sa dyaryo--na hindi school paper at lalong hindi bilang biktima o suspek sa anumang krimen; at ang kauna-unahang tseke na natanggap ko sa pagkakabenta ng isang kwento. yehey! haay. aya, may kilig na naman na nananalaytay sa ugat ko--kagaya nang kadalasa'y sa pagbabawas o pag-jingle na lang natin nararanasan. sarap!

ayon kay malcom gladwell sa librong outliers, ang requirements ng tagumpay ay ang pinagsamang pwersa ng talento, 10,000 na oras na ginugol sa paghahasa dito, at higit sa lahat, oportunidad. (magandang libro. may kamahalan nga lang kung hard-bound ang madampot mo, lalo na kung isa kang bubuwit) pero kung tutuusin, kung ilalagay ito sa konteksto nating mga pinoy na "willing to work long hours," ang summary nito ay nasabi na rin ni robin padilla: "dahil ang bawat pilipino, kailangan lang ng break." aba, biruin mong napaluha ako sa komersyal na 'to. na-depress nga yata ako.

***

nitong nakaraang ondoy, naging abala ang inyong bubuwit sa paghahakot sa lungga, hindi dahil binaha ito kundi para magdala ng anumang kapakipakinabang na "keso" sa mga nangangailangan. pinalad ako at nasa malayong lungga na ako ngayon, kaya hindi ko na ulit naranasan ang lupit ng bagyo sa maynila. mga ilang taon na ang nakalipas simula noong ma-stranded ako ng ilang oras sa isang talyer na ilang dipa na lang ang layo sa apartment na inuupahan ko. panahon ni milenyo 'yun. mantakin mong himala akong nakahanap AT NAISAKAY ng taxi sa shaw blvd habang kasagsagan ng bagyo ( masipag kasi akong empleyado noon at pilit na binubuno ang sariling quota na 10,000 hours ni gladwell kaya pumasok ako ng opisina dahil hindi nag-declare na walang pasok *hingal* sa opisina *siempre, saan pa*pero ang totoo, ayoko lang mabawasan ng leave credits)--tapos, kung lean abot-dura na lang sa apartment ay saka naman bumigay ang taxing sinasakyan ko. ayun, talaga ngang abot-dura dahil noong napansin kong hindi na huhupa ang hangin at ulan ay pinilit kong sinalubong ito... at ang baha.

dahil hindi naman ako waterproof, walang natirang tuyo sa akin--pati eyeballs ko, pinasok ng tubig ulan (salamat at hindi tubig-baha). pikit-mata na lamang akong naglakad pauwi, habang pilit na wag isipin ang mga bagay-bagay--buhay at patay--na paminsan-minsan ay kumakalabit sa sakong ko. hindi ko alam kung bakit pero walang pasubaling sinimulan kong bigkasin ang psalm 23: "The LORD is my shepherd, i shall not be in want. he makes me lie down in green pastures, he leads me beside quiet waters, he restores my soul. he guides me in paths of righteousness for his name's sake. Even though I walk through the valley of the shadow of death *nagsimula akong mag-rap* i take a look at my life and realize there's nothing left." hind... maling linya ito! KABRAAAAAM! nagsipaglabasan sa kani-kanilang mga lungga ang mga kapitbahay. lumanding na parang eroplano ng PAL sa harapan ko ang isang malaking piraso ng bubong ng bahay na biglang nag-mistulang garden ng gateway mall. swerte daw ako, kasi hindi ako tinamaan. pinaypayan lang nito--mag-isip ka ng isang matalas at higanteng abaniko. imagine!--ang binti ko. swerte nga ba ako o ang sinumang espiritung taimtim na nag-rap ng psalm 23 kahit hindi nya memoryado ang talagang pinalad?

higit kaninuman, ako ay makakapagsabing higit na mas nakakatakot ang bagyo sa totoong buhay kesa sa tv. kaya saludo ako sa lahat ng rescue workers at volunteers na may ringside seat tuwing may bagyo o kalamidad--ondoy o anuman ang darating pa. tuwing ganitong pagkakataon, hindi ko maiwasang magbuhat ng sariling bangko at magbigay-pugay sa tatag ng pinoy. kasehodang magkanda-leche-leche at mapag-initan pa kapag mabagal ang pag-usad ng rescue operation--hindi dahil makukupad ang rescue workers natin kundi dahil sa kakulangan ng kagamitan at pasilidad. hmm. gusto ko tuloy kwentahin kung ilang rubber boats ba ang halaga ng isang serving ng caviar sa le cirque? ah basta, nakaka-bilib tayong mga pinoy. sana lang, patuloy tayong magpakitang-gilas sa ating mga sarili lalo na sa susunod na eleksyon. ika nga ulit ng sandamakmak na robin,"wag kang aayaw! think positive!"
| edit post
0 Response to 'ang philosopher na nagngangalang robin padilla'
Related Posts with Thumbnails