.

Thursday, July 16, 2009

bubuwitter

Ini-squeak noong 3:39 AM ni bubuwit |

sa panahon ngayon, hindi lang bawal magkasakit ng swine flu. bawal din magsayang ng papel. maliban sa global warming (o global cooling daw, sabi ng iba), magagalit na rin ang mga taga-san mateo dahil di magtatagal ay magsasabit na rin ng "no vacancy" ang landfill doon. dahil maliban sa pagiging isang ganap na diyosa ay isa rin akong socially responsive citizen, minabuti ko na lamang na sa internet magsulat. bawal ding mag-publish kung wala kang tamang apelyido. hindi rin naman mali ang apelyido ko. hindi lang tama. ito ang natutunan ko sa isang publikasyon ng magasin na may isang dekada ko rin namang inidolo. okay lang, kahit masakit--yung tipong sampung taon ka nang tumatangkilik ng kending snow bear tapos sasabihin sa 'yong naphthalene balls pala ang totoong brand name niya. mga taksil! di bale, para ka lang kinagat ng langgam... at ikaw si tinkerbell.

*****

awang-awa ako sa sarili ko. wala na tuloy akong mukhang maihaharap sa tao, gaano man sana ito kaganda. katawan na lang. kaya pinili kong magkatawang tao kapalit ng wagas na pag-ibig--isang romansa sa pagitan ng mortal na dilag na sobrang kaakit-akit at ng kanyang nobyong nagngangalang intel inside.

*****

nang maisip ko ang pangalang "bubuwitter" (ang galing ko 'no? brilliant!), hindi na ako nag-dalawang isip pang gumawa ng sarili kong blog. mga tatlo, apat na beses ko siyang pinag-isipan bago ginawa. mahigit isang taon na rin kasi akong professional blogger ("the ghost-writing kind") para sa blog ng ibang tao. gaano man kabait (at malamang, ka-guapo) ng mga kliyente ko, hindi pa rin sapat sa akin 'yon. at hindi lang dahil kailangan kong gumamit ng mga pangalang hindi ko kayang i-pronounce o i-spell man lang (salamat nga pala sa copy-paste feature). alam ko kasing kailan man, hindi ako 'yon--hindi lang dahil hindi akin ang pangalan, kundi hindi 'yon ang mga bagay na gusto kong sabihin. wala akong pakialam kung nagde-date sina robert pattinson at kristen stewart (maghihiwalay din kayo, 'oy!). hindi ko rin alam kung bakit kailangan kong mangumbinseng hindi totoo ang chupacabra. ano nga ba ang mga bagay na gusto kong sabihin? sasabihin ko rin sa inyo kapag alam ko na. basta, ang sigurado, gusto kong magsulat.

natagalan lang ako bago nakagawa ng sariling blog dahil naisip ko, ngayon pa lang talaga ako magsusulat sa filipino. hindi ako kikita mula sa google adsense nito. tapos, mapagbibintangan pa akong bob ong-wannabe. nag-debate ang left brain at right brain ko dito. walang masama doon. sa totoo lang, mahal ko na siya. pero pagkatapos kung basahin ang stainless longganisa, kinailangan kong mangakong hindi na muna magbabasa ng bob ong books (mahal kong bob ong, bibili pa rin ako ng mga libro mo para may pambili ka ng bagong bolpen at kahon-kahong paper clips. pramis!). kagaya ng sinabi niya, ang isang tagahanga ay maaaring makulong sa istilo ng iniidolo. at hindi lang 'yon. mas natatakot ako na may masabing isang bagay na kasalukuyan niyang sinasabi. sino ba naman ako? si bob ong ay bob ong, at ako, isa lang akong hamak na diyosang nagkatawang tao at natutong kumain ng naptalina. lulubuslubusin ko na ang pagiging defensive sa animo'y disclaimer page na ito (na dapat sana ay introductory page). may dalawang mabibigat na dahilan kung bakit hindi ako pwedeng maging gaya-gaya kay bob ong. una, si bob ong, walang boobs, ako meron. pangalawa, wala namang nagsasabing katunog ako ni bob ong. ako lang, at 'yon ay dahil defensive na ako, makapal pa ang mukha. gayunpaman, sa pagkakakilala ko kay bob (first-name basis kasi GANITOKAMIKACLOSE), ikalulugod niya ang ginagawa kong paghasa sa kung anumang talentong binigay sa akin ni bro *sa puntong ito, tumingin sa itaas sabay ngumiti na parang may naisip na di mabuti*. may sarili akong boses, at iba rin ang mga bagay na gusto kong sabihin. sasabihin ko nga sa inyo kapag alam ko na.
| edit post
0 Response to 'bubuwitter'
Related Posts with Thumbnails