.

Saturday, August 1, 2009

plastik ka, PLASTIK!

Ini-squeak noong 8:10 AM ni bubuwit |


sa lahat ng ayaw ko, ayoko ng plastik! lalung-lalo na ang plastik na inimbento ng demonyo--ang credit card. hindi ko na maalala kung paano nagsimula ang kalbaryo ko rito, pero mas lalong hindi ko makakalimutan kung paano ito natapos.

makaraan ang ilang buwan ng pandidedma ng kahit anong sobreng nangangamoy "credit card bill" at pagtatago sa lahat ng mamang mukhang ahente ng citibank, dumating ang isang trahedya sa buhay ko sa anyo ng isang puting sobreng may tatak ni kamatayan--Apelyido, Apelyido & Isa Pang Apelyido Associates. demand letter daw 'yon, pero para sa akin, death threat ang tawag doon. biglang sinapian ako ng hindi ko kilalang espiritu--kunsensya, takot, at pagod na rin siguro sa pagpapalit-palit ng sim card. itinaas ko ang puting bandila at nangakong mananagot sa aking mga pagkakasala...

sa loob ng anim na buwan, kalahati ng sweldo ko ang pikit-mata kong hinuhulog sa bangko para pambayad sa bills kong pwede nang pambili ng kakarag-karag na kotse. at wag ka, malaki ang sweldo ko noon--mga P500 ang lamang sa minimum wage. ganon. at 'yan ay kung hindi mo ibabawas ang buwanang income tax, Pag-IBIG, PhilHealth, SSS, at kung anu-ano pang kontribusyon sa benepisyo (diumano) mula sa gobyerno, kung saan pwede mong utangin ang sarili mo namang pondo at patawan ng interes ang sarili. big time!

sa madaling salita, natuto akong makipag-amazing race sa MRT at makipag-wrestling naman sa ibang pasahero ng dyip. 'ayun, ang dati eh isang sakay ko lang sa fx (na kung umatake pa ang sakit kong tamad-itis ay nagiging cab ride pa) na commute papuntang opisina ay naging dalawang sakay at habambuhay na paglalakad sa ortigas. nang naka-high heels. may kasabihan akong pinaniniwalaan: "ang naglalakad nang matulin, napipigtasan ng tsinelas." 'yan naman ang excuse ko kung bakit ako laging late. hindi pa riyan nagtatapos ang kahabag-habag na pangyayari sa aking buhay ng dahil lamang sa isang credit card. ang sabi ng isang salawikain, "ang taong nagigipit, ang ulam inuulit." kaya ang ulam ko, panalo! daig pa nito si regine velasquez sa dami ng repeat performances.

kung tutuusin, may isa nang maagang senyales na dapat nakapagpahiwatig na walang mabuting maidudulot sa akin ang credit card. signos o premonition kumbaga. (flashback. isipin mong sepia ang kulay ng screen.) limang taon bago ko tuluyang nabayaran at kinansela ang card ko, nauso ang hair rebonding. f4 fever! (i lab yu, dao meng siiiiii!). syempre, pahuhuli ba naman ako? me? moi? kahit magpakulot pa si vaness wu, hindi ako papayag na hindi mauna sa uso.

siempre, nung mga panahong 'yon, rampa ko ang mga health and beauty centers sa tuktok ng megamall. at sa isang hair salon doon, kung saan natutunan kong ang presyo ng serbisyo ng isang establishment ay directly proportional sa kanyang floor level, nagpa-rebond ako. not just once, but twice! paano kasi, pagkatapos ng ilang buwan eh nagsimula nang mag-sparring ang texture ng buhok ko. masagwa kapag 3/4 ng haba ng buhok mo ay bagsak, habang 1/4 naman ang buhaghag. kumbaga nagsimula nang maging hugis-alien ang ulo ko: lumulobo ang taas at manipis ang ibaba.

siyempre noong mga panahong 'yon, P5,000 ang damage sa unang beses kong nagpa-rebond kahit lampas baba lang ang haba ng buhok ko. okay lang. swipe! noong ikalawang beses na, mas mura. retouch na lang kasi. P3,000. no problem. inantok ako matapos masahiin ng isang salon assistant ang ulo ko. sobrang nakaka-relax kasi ang amoy ng organic shampoo. nakaidlip naman ako habang hinahagod ng stylist ang buhok ko ng suklay na sinawsaw sa formula. tuluyan na akong nakatulog. nagising na lang ako nang kilitiin ako ng nag-aagaw na lamig at init sa ulo ko. ang sarap ng feeling na dumadaloy sa bumbunan hanggang likod ng tenga ko ang maligamgam na tubig. nakikipagkumpetensya sa lamig ng aircon. prinsesa ako!

oras na para magbayad. inabot ko sa kahera ang amo kung si mastercard. tinanong ako kung meron pa ba akong ibang card. uh, okay. inilabas ko sa wallet ang isa pang card. declined. nawalan ng visa ang kapangyarihan niya. "don't worry, miss, i'll just pay in cash." yabang! 'yun pala pagsilip ko, P200 lang ang laman ng pitaka ko. unti-unti na 'kong dinaga. pero hindi ako nagpahalata. may ATM card kasi ako, at alam kong sweldo namin noong isang araw. nagpaalam ako para mag-withdraw. pumayag naman si cashier, pero ano 'to... siyet... may escort ako kahit hindi naman santacruzan. pagdating ko--at ng escort--sa ATM, mabuti na lang at walang pila. mayabang na ulit ako. pumindot ako ng PIN ko at naghintay. matagal. pagkatapos ng 60 seconds at 4 years, may dalawang salita na lumabas sa screen: "insufficient funds." sa epekto ng dalawang salitang 'yon sa akin, para na ring "death penalty"ang nabasa ko sa display. nag-flash sa isipan ko ang lahat ng masasaya kong alaala sa buhay--nung binilhan ako ni lolo ng una kong bike na kulay pula ang upuan, ang pagkakapasok ko sa honor roll, ang crush ko na niligawan ako sa wakas, first kiss...

humarap ako kay constantino, este, sa escort. tumingin siya sa akin na parang meron akong gagawing hindi mabuti. nagpaliwanag ako sa kanya kahit ako mismo hindi ko maipaliwanag kung bakit wala pa rin ang sweldo ko. (nalaman ko rin sa bandang huli na nagkaproblema sa payroll kaya delayed ang sweldo. napakasama ng timing--o baka tama lang.) huling hirit. bumalik kami sa salon at tumawag ako sa lifeline. mabuti na lang kararating lang ng allowance ng lifeline ko. makalipas ang kalahating oras, dumating ang kapatid ko. nakasimangot. padabog na inabot sa akin ang pera. P3,000. alam kong nagngitngit siya sa galit dahil ayaw niyang umalis ng bahay noon. may tinatapos kasi siyang term paper at gahol na siya sa oras. tapos inutangan ko pa. at pinahatid sa megamall. nakarating ng megamall na nakapambahay ang kikay at matalino kong kapatid. ayos. pakiramdam ko noon linta ako. o mas mababa pa--laway ng linta. (note: sa kabutihang palad, nagtapos naman ang kapatid ko sa UP na lagpas lang ng isang zero at 1 pagkatapos ng decimal point para maging summa cum laude, samantalang ako naman noon ay pumasok lang sa cum--cum mas tumaas lang sana ng konti ang general weighted average ko.)

tahimik kaming naglakad papuntang pila ng fx. nakasimangot pa rin ang kapatid ko, padabog ang mga hakbang. "sorry na, sorry..." paulit-ulit kong sinasabi habang naghahabol sa kanya, patingkayad ang lakad na parang literal na tumatawid sa alambre. nakakatawa ang itsura ko. nakasunod ako sa kapatid ko na parang asong bahag ang buntot... pero balik-ayos ang buhok.

dapat noon pa lang, kumalembang na ng husto ang warning bells ko. buti na lang, bayad na ang lahat ngayon, at magkabarkada pa kami ni attorney sa Apelyido, Apelyido & Isa Pang Apelyido Associates. hindi na ako ngayon nagpapapalit-palit ng cell phone number. hindi na rin ako nagpa-rebond. wala na rin ang lahat ng credit cards (oo, plural) sa wallet ko, pati na ang mga business cards--mga pampakapal ng pitaka na nagpapatunay sa lahat na narating ko na ang tugatog ng karera ko, na kung tawagin sa inggles ay "rat race." ngayon ko lang naisip na minsan din pala akong naging plastik. ang pinagkaiba lang namin ng credit card ay hindi ko nasingil ang mga nangutang sa akin.
| edit post
2 Response to 'plastik ka, PLASTIK!'
  1. Anonymous
    http://bubuwitter.blogspot.com/2009/08/plastik-ka-plastik.html?showComment=1253982127721#c6119420990642258855'> September 26, 2009 at 9:22 AM

    i luhvet! nakaka-relate ako at marami pang iba. uy, umamin na kayo!

     

  2. tndcallphilippines
    http://bubuwitter.blogspot.com/2009/08/plastik-ka-plastik.html?showComment=1319161822967#c6746793766737561189'> October 20, 2011 at 6:50 PM

    katakot talaga ang credit card... :)

     

Related Posts with Thumbnails