.

Monday, July 20, 2009

paano kumita ng pera sa panahon ng kagipitan

Ini-squeak noong 12:04 AM ni bubuwit |

mataas ang singil sa kuryente, langis, at pasahe kaya pailanlang din ang presyo ng mga bilihin, lalong-lalo na ang halaga ng lubid, sleeping pills, patalim, bala, papel, bolpen, at kutsarita--mga kagamitang kinakailangan kapag nagpapatiwakal. ito ang resulta ng tinatawag na law of supply and demand.

dahil isa kang hamak na mortal, patindi na rin nang patindi ang pangangailangan mo sa pang-araw araw na gastusin. ngayon, kung hindi pa pwedeng anihin ang kamote, ito ang ilan lamang sa mga paraang pwede mong subukan para kumita ng pera:

  1. huwag tumaya sa lotto. sa halip, ang pantaya ay gamitin na lamang na pamasahe papuntang mother ignacia street, quezon city at tahakin ang landas papuntang studio entrance ng wowowee.
  2. bago ka pumunta, tiyaking mag-ahit ng kilikili gamit ang isang matalas na labaha. kailangan mo itong gawin para malaya kang makakapag-hep-hep-hooray kasama si pokwang.
  3. mamili sa alinmang paraan na kaya mong gawin para mapansin: gumimik, magpaganda nang husto para mahagip ng kamera, o mag-mukhang kalunos-lunos. ugaliing magdala ng eye-mo sakaling hindi mababaw ang luha mo. maaaring kitain: mula limang libo pataas. mas nakakatawa o nakakaiyak, mas malaki ang kita.
  4. kung hindi nakunan ng kamera ang pagkain mo ng buhay na manok habang tumutulay sa nagbabagang alambre dahil tamang-tama namang pabalik sa studio ang mga umihi noong nalunok mo na ang buong manok (at hindi ka nakapagdala ng extra), wag mag-alala. mag-maalaala ka.
  5. pagdating mo ng bahay ay ilabas ang papel at bolpen at isalarawan ang mga kagilagilalas na pangyayari sa iyong buhay, noong muntik ka nang gahasain ng iyong lasenggong tiyuhin at iniwan ka ng iyong nobyo para sumama--hindi sa ibang babae kundi--sa iyong tiyuhin, bago siya namatay (ang ex, hindi ang tiyuhin) matapos masagasaan ng isang dump truck sa kamamadaling mabili ang gamot ng nanay niyang nakagat ng isang dolphin habang naninisid ng mga inihahagis na barya ng mga pasahero ng barko sa pier (hindi sa terminal ng bus). ipasok ito sa sobre, kumuha ng ilang butil ng kanin na ipandidikit sa flap ng sobre, isara ito, isulat sa labas ang pangalan, address, at pangalan ng suking tindahan, at ipadala sa 2366. hindi ko matantiya kung magkano ang eksaktong halaga ng pwede mong kitain dahil confidential ito (confident akong sabihin na hindi ko alam). basta mas malaki ang kita kapag naisapelikula ito.
  6. kung hindi sapat sa iyo ang kinita (kulang ito sa pang-araw-araw na spa at facial), magdasal nang mas mataimtim. ugaliing magpunta sa baclaran at maglakad nang paluhod habang ipinagdadasal na matuloy ang eleksiyon sa 2010--para makaboto ng mga tapat na pinunong maglilingkod sa bayan ng walang pansariling interes at higit sa lahat ay mayroong mga platapormang totoong mapapakinabangan, tulad ng pangkabuhayan showcase.
  7. kung nagmamadali ka naman, balikan ang kamote.
  8. samantala, anihin ang kangkong. siguraduhing mauna sa kapitbahay.
| edit post
0 Response to 'paano kumita ng pera sa panahon ng kagipitan'
Related Posts with Thumbnails