.

Thursday, July 16, 2009

noong unang panahon...

Ini-squeak noong 11:01 PM ni bubuwit |

... totoo si santa claus, at hindi siya ang tatay ko. sigurado ako doon, kasi ang tatay ko ang tagakuha ng litrato kapag pumupunta si santa claus sa bahay namin tuwing bisperas ng pasko. sakay siya (si santa claus, hindi ang tatay ko) ng 4X4 na pick-up truck at nagsasaboy pa ng kendi at tsokolate sa labas ng gate namin.

may taon na binato si santa claus ng isang dating kapitbahay na duling (duling pa rin siya hanggang ngayon pero lumipat na sila ng tirahan). may favoritism daw kasi si santa claus at sa bahay lang namin nagpupunta. mabuti na lang at duling siya, hindi natamaan si santa, pero sapul ang driver ng 4X4--at doon nagsimula ang alamat ni rudolph. nainis ako sa duling kong kapitbahay na kalaro ko pa man din noon. hindi ko siya maintindihan. hinahagisan naman sila ng kendi ni santa claus taun-taon. basta ang narinig ko sa sinabi ng mama ko sa kapitan ng baranggay, enrolled daw kasi kami ng kapatid ko. malamang ang "nice list" ni santa claus ang tinutukoy niya, at siguro, nasa "naughty list" ang kalaro ko.

sa bandang huli, nalaman ko rin na hindi pala totoo si santa claus. minsan kasi, nakita ko siyang umiihi sa poste ng gate namin. nalungkot ako, at gusto kong sumigaw nang, "walang santa claus! ang santa claus ay nasa puso ng tao! nasa puso nating lahat!" paano kasi, kung totoong may santa claus, siya ang nakakabasa ng mga sulat namin ng kapatid ko. eh bakit hindi niya nabasa ang nakapintura sa pader na "bawal umihi dito" at "beware of dog" (kasi iisa lang ang alagang aso namin noon)? ayun, nagbayad pa tuloy ang mga magulang ko ng pang-anti-rabies injection.

*****

... gusto ko na sana sa tate ako ipinanganak, kasi ang gaganda ng mga address nila... little falls, bloomfield, orange county, bakersfield, at higit sa lahat, sweet valley. magical sa akin ang tunog ng "sweet valley, california" na kung saan nakatira lahat ang mga kabarkada kong sina lizzie at jess wakefield at ang guapo nilang kuya na si steven.

ang alam ko noon, mahal ang pamasahe papuntang amerika, kaya minabuti kong mag-ipon habang bata pa ako. noon, wala akong konsepto ng visa at TNT (tago nang tago) kaya wala rin sa bokabularyo ko ang salitang "imposible." paborito kong libro noon ang world atlas na binili pa ng mama ko sa naglalako ng encyclopedia. paano kasi, ayaw umalis nung mamang bookstore sa tapat ng bahay namin at ayaw na nina mama at papa na mapagastos na naman sa anti-rabies injection. minsan, inilabas ko ang atlas at sumalampak sa sahig ng kwarto ko habang kinakalansing ang laman ng alkansiya kong basyo ng johnson's baby powder. san francisco... san jose... santa maria... santa rosa... los angeles... nakapag-roll call na yata ako ng lahat ng santo at nakabuo na ng isang bagong oremus, pero wala akong makitang sweet valley, california. wala pa kasing wikipedia noon na makapagsasabi sa akin na:

sweet valley high is a book series created by francine pascal, who presided over a team of ghostwriters for the duration of the series' creation in 1983. the series ended twenty years later with over 152 books to its name. over the years, the books were written by many ghostwriters (including emmy-award winning screenwriter rodney vaccaro), and revolved around the lives of teenagers jessica and elizabeth wakefield, twins who live in fictitious sweet valley, california .


bwiset! kaya pala hindi ko mahanap eh. dapat pala "fictitious sweet valley, california" ang hinanap ko. tsk. para lang akong nag-abang ng dadaang taxi sa riles ng tren. imposible.

kinabukasan, may mga bagong stationery set na ako, at may isang tinderang hinika sa mala-espasol kong barya-baryahan. shopping spree! bata pa ako, therapeutic na sa akin ang pag-sho-shopping. stationery ang paborito kong bilhin, hindi dahil wala pang e-mail noon kundi dahil nangungulekta ako nito at nakikipag-trade ako sa ibang kalarong stationery collectors din. kapag perfumed stationery na may ka-ternong sobre, dapat limang pirasong stationery na iba-iba ang design ang kapalit.

*****

... ANG UNA KONG LOVE LETTER STOP NA NATANGGAP STOP AY GANITO ANG PAGKAKASULAT STOP AT MAY KASAMA PANG ROSES STOP NA IDINELIVER SA CLASSROOM NAMIN NG ISANG TAGA-PT&T STOP KUNG HINDI KA NATAWA STOP HINDI MAN LANG NANGITI STOP SA SECTION NA ITO STOP IBIG SABIHIN AY MASYADO KA PANG BATA STOP AT HINDI MO NA INABUTAN ANG TELEGRAMA STOP AT MALAMANG WALA NANG IBANG MAKAKA-GETS NG JOKE KUNDI AKO STOP KASI AYON SA STATISTICS STOP ANG KARAMIHAN NG GUMAGAMIT NG INTERNET AY MGA COLLEGE STUDENTS STOP NA MAS SANAY SA PAGBABASA NG MENSAHENG PURO CONSONANTS STOP
| edit post
0 Response to 'noong unang panahon...'
Related Posts with Thumbnails