.

Friday, July 17, 2009

mga komedyang hango sa totoong buhay

Ini-squeak noong 8:39 PM ni bubuwit |

may mga taong ipinanganak na swerte (isa ako dun. naks!) may mga taong ipinanganak na sinuswerte (kagaya ng boyfriend ko) may mga taong ipinanganak na may taste (ikaw 'yun na nagbabasa ng blog ko--may taste ka, baduy nga lang. joke! ipagpatuloy ang pagbabasa). may mga tao namang ipinanganak lang. (ayoko nang magturo. sobrang effort eh). kung kasama ka rito, 'wag kang mag-alala, may awa ang diyos (kaya nga ipinanganak ka eh.). ngayon, sa sobrang dami ng ipinanganak, patuloy na lolobo ang populasyon, dadami ang mabibigyan ng trabaho--sa census, at unti-unting lulubog ang bawat isa sa 7,107 (high tide) o 7,108 (low tide) na isla ng pilipinas. pero, kung dati nang nakalubog ang isang isla kapag high tide, hindi na importante kung ilan ang total count. babaha, mawawalan ng kuryente, at matitigil na ako sa pagba-blog. yehey! pero hindi 'yun ang pinupunto ng entry na ito. okay, panganganak ulit. may mga taong ipinanganak para bigyan tayo ng dahilan para tumawa kahit mahirap ang buhay. kahit konti lang. kahit ganito pa ka-konti.

*****

ang kaibigan ko ay may isa pang kaibigan na events organizer. minsan, ang kaibigan ng kaibigan ko, na di ko personal na kakilala, ay nagkaroon ng kliyenteng dayuhan (pero taga-earth pa rin naman) na isang pinay ang mapapangasawa. sa araw ng kasal, siyempre, production number ito. may cameraman, lighting director, director of photography at cinematography pa. ang kulang lang noon ay scriptwriter, kaya ako na lang ang magta-transcribe ng dialogue:

direk (sa nanay ng bride): ma'am, ganito po ha, hawak n'yo ang bouquet, lalapit kayo sa anak n'yo, iaabot ang bouquet, tapos, beso-beso. (sa crew) okay, ready everyone... and roll!

(pokus kay nanay. zoom out para makita ang bouquet. lapit si nanay kay bride. inamoy muna ni nanay ang bulaklak--aba marunong umadlib! hinalikan ni nanay ang bouquet. isang beses... dalawang beses. nanginig ang camera. cut!)

direk (sa nanay ng bride): ma'am, sandali lang po. beso-beso po kayong dalawa (sabay turo ni direk kay bride), okay?

nanay at bride: (tumango)

direk (sa crew): take 2, tayo. and roll!

(pokus kay nanay. zoom out para makita ang bouquet. lapit si nanay kay bride. pan right para masama si bride sa screen. inabot ni nanay ang bouquet kay bride. nakahinga nang maluwag si direk. hinawakan ni bride ang bouquet. inilapit ni bride ang mukha sa mukha ni nanay. hay, salamat--sabi ng bubble sa taas ng ulo ni direk. nanay at bride sabay na humalik sa bouquet. okay. good take!)

*****

ang ate ko ay manager ng isang kilalang furniture shop. minsan, nakasalubong niya ang isang miyembro ng kanyang staff na humahangos na papasok ng stockroom.

ate: (pangalan ng empleyado dito), kanina ka pa pabalik-balik sa stockroom. may problema ba ang ina-assist mong customer?

empleyado: ma'am, naghahanap po ng blue na karton eh.

ate: ha? baka panregalo sa kasal ang bibilhin niya.

empleyado: ma'am, hindi po. blue na karton lang po ang gusto niyang bilhin.


ate: ah, baka balikbayan box ang ibig niyang sabihin (foreigner ang customer), at akala niya meron tayong binebenta nun dito. sige, ako na ang kakausap.

ate (sa customer): hello, ma'am. i'm the manager. what particular thing do you need? if we don't have it here, maybe i can show you other options.

customer: oh, thank you. i like this table runner. now, would you happen to have a blue curtain (noun. pronunciation:
\ˈkər-tən\)?

*****


noong fathers' day ay naisipan kong i-treat sina papa at mama ng buffet dinner sa isang resort. siyempre, dahil sikat na resort yun dito sa lugar namin, maaga akong tumawag para magpa-reserve.

kausap sa telepono: ma'am, the reservation for 3 would be placed under what name?

ako: bubuwit. it's bravo-uniform-bravo-uniform-whiskey-india-tango. (hindi ako nagpapasikat noon sa pag-gamit ng NATO phonetic alphabet. isa 'yun sa mga madalang na pagkakataong hindi ako pabibo. nakasanayan ko na lang i-spell out dahil dati akong call center agent.)

kausap sa telepono: ma'am, bravo as in B-R-A-V-O, uniform as in U-N-I-F-O-R-M...

*****

malaki ang pasasalamat ko sa mga ganitong pagkakataon, hindi dahil gusto kong pagtawanan ang mga pagkakamali ng iba, kundi dahil ipinaaalala nila sa akin lagi na hindi totoong ang buhay ay isang trahedyang walang katapusan. may mga taong ipinanganak na galit sa mundo. may mga taong maganda ang pananaw sa buhay at madaling patawanin (o mababaw ang kaligayahan). sila din ang mga taong ipinanganak para mag-subscribe sa mga blog tulad nito. (hint, hint)

| edit post
0 Response to 'mga komedyang hango sa totoong buhay'
Related Posts with Thumbnails