.

Saturday, October 16, 2010

Bob Ong? Asan ka?

Ini-squeak noong 8:08 PM ni bubuwit |


linggo ngayon. kung may #sentisabado sa twitter, sa bubuwitter naman, mas nagsesenti ang bubuwit kapag linggo. paano naman kasi, pag-mulat ng mga mata ko pag linggo na ng umaga, para akong presong nasa death row. pakiramdam ko, inaasar ako ng kalendaryo at sinasabi sa aking, "bwahahahahaha! lunes na bukas... LUNES! tapos na ang maligayang weekend. bukas na bukas rin, magpapa-alipin ka na naman sa sistemang tinatawag sa inggles na 'rat race.'" biglang babagsak ang puso ko, tapos bibilis ang pag-tibok nito. dug-dug tugug, dug-dug tugug. sa katunayan, nanginginig ang mga daliri ko ngayon habang tumitipa sa keyboard. kapag ganito ang pakiramdam ko, hahagilapin ko ang aking mga bibliya. oo. mga bibliya. at sasagi sa isipan ko... bob ong! bob ong! asan ka? bakit mo ako pinabayaan? hindi ko alam kung asan ka, pero sana naman, kasalukuyan kang nagsusulat ng panibagong kabanata sa bibliya. pero habang wala pa ito, magtya-tiyaga muna akong dagdagan ang mga words of wisdom na ibinahagi mo na at minahal ng buong ka-bob-ongan:
“Nalaman kong habang lumalaki ka, maraming beses kang madadapa. Bumangon ka man ulit o hindi, magpapatuloy ang buhay, iikot ang mundo, at mauubos ang oras.”
... kaya 'wag ka nang lumaki. dahil napansin kong mas mabilis naghihilom ang mga galos at sugat ng mga bata. at tuwing nadadapa sila, nag-uunahan ang mga tao para ibangon sila at sabihan na: okay ka lang? kapag malaki ka na at nadapa ka, pagtitinginan ka lang at pagtatawanan. kung mamalasin ka pa, may naka-capture nun sa video at malalagay ka sa YouTube. kung meron mang lalapit sa 'yo, sasabihan ka lang ng "ang tanga-tanga mo naman kasi."

"Wag magmadali sa pag-aasawa. Tatlo, lima, sampung taon sa hinaharap, mag-iiba pa ang pamantayan mo at maiisip mong di pala tamang pumili ng kapareha dahil lang sa kaboses niya si Debbie Gibson o magaling mag-breakdance. Totoong mas importante ang kalooban ng tao higit sa anuman. Sa paglipas ng panahon, maging ang mga crush ng bayan sa eskwelahan e nagmumukha ring pandesal. Maniwala ka."
... at mas lalong maling pumili ng kapareha dahil lang marami siyang twin sunflowers sa plants vs. zombies o di kaya'y parehas sila ng hairstyle ni justin bieber. pero sa totoo lang, may mga crush ng bayan na hanggang ngayon ay kasing-kinis pa rin ng empanada. at gustung-gusto ko silang dikdikin na parang otap.

“Huwag mong bitawan ang bagay na hindi mo kayang makitang hawak ng iba.”
“Huwag mong hawakan kung alam mong bibitawan mo lang.”
“Huwag na huwag ka hahawak kapag alam mong may hawak ka na.”

sa madaling salita, sa buhay pag-ibig, kailangan mong maging isang genetically modified organism at magpatubo ng tatlo pang ekstrang pares ng mga kamay. o di kaya, magpa-amputate ka na lang. piliin mo kung alin ang mas makabubuti para sa 'yo.

"Nalaman kong hindi final exam ang passing rate ng buhay. Hindi ito
multiple choice, identification, true or false, enumeration or fill-in-the-
blanks na sinasagutan kundi essay na isinusulat araw-araw. Huhusgahan ito
hindi base sa kung tama o mali ang sagot, kundi base sa kung may kabuluhan
ang mga isinulat o wala. Allowed ang erasures."

... pero oo nga pala, right minus wrong kadalasan ang mga tests ng buhay. sa kasamaang palad, mas naaalala ng mundo ang mga mali natin kesa sa mga tama nating ginawa. kaya pag-isipang mabuti bago sumagot kung ayaw mong ma-zero o magkaroon ng negative score. wag daanin sa bilis ang pagsagot. class, you will be given your entire lifetime to finish the test. the time starts... now.

| edit post
0 Response to 'Bob Ong? Asan ka?'
Related Posts with Thumbnails