.

Thursday, October 22, 2009

buhay at Scrabble

Ini-squeak noong 3:26 AM ni bubuwit |


may ilang tao na ang tingin sa buhay ay parang laro. meron din namang pakiramdam nila eh sila ang pinaglalaruan ng buhay. doon ako sa bandang gitna--minsan ang buhay ay parang larong Scrabble. kadalasan, kailangan mong mamili: mas gusto mo bang makabuo ng magandang word? o mas kailangan mo bang makakuha ng mataas na score?

sa Scrabble, importante ang puwesto at timing. minsan, makukuha mo sa isang bunutan lang ang kaisa-isang letrang Z (na may katumbas na 10 points) at ang letrang O (1 point lang 'yung mga vowels), at kapag sinuswerte ka, mayroong libreng isa pang O na pwede mong dugtungan para maging ZOO. sa ordinaryong square, 22 points kaagad 'yon. triple ang swerte mo kung nagkataong sa triple-word score na squares ito maaaring ipuwesto, dahil 66 points kaagad ang score mo at ang simpleng ZOO ay magiging isang karnabal! madalas bang mangyari ito sa 'yo? kung ako sa 'yo, tataya ako sa megalotto. kapag minalas ka naman, pwedeng nasa iyo na ang mga letrang may mataas na points, pero lagi ka namang mauunahan ng kalaban doon sa pinagbabalakan mong paglalagyan na squares. kung ang buhay ay isang kanta, pwede nating sabihing katumbas nito ang lyrics na "we have he right love at the wrong time."

sa akin, madalas mangyari na kung kelan iisang vowel na lang ang kailangan ko--at take note, mas maraming tiles na vowel ang laman--eh saka naman hindi ko ito mabubunot. ever. tuloy, nakakaipon ako ng mga letra na wala naman palang silbi sa akin kahit gigil na gigil na ako sa paghihintay sa iisang vowel na 'yon. at minsan din, kung kelan pagod ka nang maghintay at naitira mo na ang iba mong letra, saka mo naman mabubunot ang letrang I na kukumpleto sana sa salitang IDEOLOGY na magtataas sa 'yo sa level ng mga kagalanggalang na Scrabble stars. ang resulta, hanggang DIG lang ang kaya mong itira at malilito ngayon ang mga kalaban mo kung sino ang mas gusto mong insultuhin--sila o ang sarili mo.minsan din, mapupunta sa iyo ang isa sa dalawang blank tiles. ito ang genie at mutant ng mga Scrabble tiles. kaya nitong maging kahit anong letrang gugustuhin mo--sa isang kundisyon, wala itong katumbas na point at kapag nailatag mo na ito sa board bilang letter Q, hindi na ito pwedeng magpalit ng anyo para sa 'yo o sa mga kalaro mo. kumbaga, isa itong genie na may isang wish lang--parang consummable na drink o di kaya'y disposable na camera--kaya bad trip talaga kapag kung kelan napilitan ka nang gamitin ito eh saka naman lalabas ang tunay na letrang hinihintay mo. buti sana kung pinagpanggap mo ito sa isang mahirap na letra (kagaya ng X o Q), pero kung ang pinaggamitan mo lang ay U (na may apat na kopya sa isang Scrabble set), kahit papano eh makakaramdam ka ng panghihinayang.

ganyan din ang buhay kadalasan, kung kelan pinakawalan mo na ang blank tile mo, saka naman darating ang letrang nararapat. kung kelan nakapag-cash advance ka na sa credit card mo, saka naman darating ang christmas bonus o di kaya'y ang reimbursement mo sa SSS o Philhealth. sayang dahil may mas makabuluhan pa sanang gamit ito sa buhay mo. wala pa sanang interes.

balik tayo dun sa sinabi ko na sa buhay at Scrabble, kailangan mong pumili kung alin ang mas pinahahalagahan mo, mas hangad mo bang bumuo ng isang magandang salita, kagaya ng "ideology" kahit mas mababa ang puntos? o mas nananaig ba sa 'yo ang kagustuhan mong maka-score ng 66 points sa salitang "zoo"? nabanggit ko minsan sa kapatid ko, kahit sa pagsusulat o anumang karera sa buhay, parang ganyan ang labanan. dito papasok ang mga linyang, "ano? maisasaing ba 'yang prinsipyo mo?" ang anak mo ba mapag-aaral niyang prinsipyo sa pinakamahuhusay na unibersidad kagaya ng Ateneo at UP? (ehem, oo nga pala, state-subsidized ito pero hindi ko makuhang hindi siya banggitin kapag premier university ang pag-uusapan) o di kaya kahit sa pagpili ng sasaguting manliligaw, mas concerned ka ba sa character at personality--o sa CARacter at PESOnality? mas importante ba sa 'yo ang maging mahusay na abogado/guro/nars o mas gusto mong maging BAR/board topnotcher? gusto mo bang maging responsableng blogger o yung traffic ba ang mas importante sa 'yo? ang bottomline: sa totoong buhay at larong Scrabble, mas mahalaga ba talagang maging mabuting tao o maging makapangyarihan
| edit post
5 Response to 'buhay at Scrabble'
  1. The Snappy Sparrow
    http://bubuwitter.blogspot.com/2009/10/buhay-at-scrabble.html?showComment=1256801213578#c8036222649865637685'> October 29, 2009 at 12:26 AM

    This comment has been removed by the author.

     

  2. The Snappy Sparrow
    http://bubuwitter.blogspot.com/2009/10/buhay-at-scrabble.html?showComment=1256801296757#c5515927466017046111'> October 29, 2009 at 12:28 AM

    sa buhay ko ngayon tingin ko masnaging importante sakin ang makakuha ng mataas na score kesa sa makabuo ng magandang salita.. kaya eto ako ay malungkot :(
    anyway, ill link you up ha. nice blog bubwit ;)

     

  3. bubuwit
    http://bubuwitter.blogspot.com/2009/10/buhay-at-scrabble.html?showComment=1256884565365#c2220510681521965387'> October 29, 2009 at 11:36 PM

    @snappy sparrow:

    maraming salamat sa komento at sa pag-link. wag kang mag-alala masyado, pwede pang humabol ng isang round at bumunot ng panibagong tiles. nasa iyo na kung paano laruin ang mga letra, kaya pwedeng pwede mo nang buuin ang mga salitang talagang nakakapagpasaya sa 'yo--kahit 5 points lang ang halaga ng word ;)

     

  4. Anonymous
    http://bubuwitter.blogspot.com/2009/10/buhay-at-scrabble.html?showComment=1257975068482#c1797594128875764619'> November 11, 2009 at 1:31 PM

    perfect analogy! pati ang pagkakasulat. astig hehe. sana mrami pa kong mabasang post like this from you

     

  5. bubuwit
    http://bubuwitter.blogspot.com/2009/10/buhay-at-scrabble.html?showComment=1258162207413#c1213389275448746812'> November 13, 2009 at 5:30 PM

    @momentumorgasm: naks! nakakataba ng puso ang kumento mo. medyo nasa hibernation period ang utak ko ngayon kahit wala namang winter sa pilipinas, pero hayaan mo, marami pang susunod. :) salamat!

     

Related Posts with Thumbnails